top of page

WPFD protest action, idinaos sa gitna ng tumitinding atake sa mga mamamahayag

Janicca Jasmine Bunao
May 3
2 min read

“Journalists, not a target!” ang pangunahing bitbit na panawagan ng mga mamamahayag at estudyante kahapon, Mayo 2, bilang paggunita sa World Press Freedom Day.


Nagtipon ang mga kinatawan mula sa AlterMidya Network at mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang organisasyon at kolehiyo sa tarangkahan ng Mendiola upang kondenahin ang sistematikong pag-atake ng estado, mula sa mga gawa-gawang kaso hanggang sa pagkitil ng mga sibilyang mamamahayag. 


Kabataang mamamahayag, kabilang ang AKM PUP at mga kinatawan ng AlterMidya, buhat ang panawagan na palayain at bigyang-hustisya ang Negros 19 at Tacloban 5. (Janicca Bunao/Edge Magazine)
Kabataang mamamahayag, kabilang ang AKM PUP at mga kinatawan ng AlterMidya, buhat ang panawagan na palayain at bigyang-hustisya ang Negros 19 at Tacloban 5. (Janicca Bunao/Edge Magazine)

Bagaman umakyat sa ika-114 ang Pilipinas ngayong taon mula ika-116 noong 2025 sa Press Freedom Index, nakapagtala ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng hindi bababa sa 242 na bilang ng insidente ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.


Nitong Marso lamang, kinasuhan ng patong-patong na cyberlibel sina India at Jay Lavapiez, dalawang brodkaster mula Roxas City, Capiz. Ayon sa NUJP, patunay lamang ito na ginagamit ang batas bilang taktika para takutin at supilin ang boses ng mga mamamahayag.


“Sa lagay ng Press Freedom, it remains in peril. Mistulang nakalubog 'yung mga paa namin sa kumunoy, at parang may mga pulang laser na nasa ulo namin at mistulang kaming ginagawang target ng gobyerno,” giit ni Jacob Baluyot, tagapangulo ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).


Sinampahan ng kasong sedition at indirect contempt si Baluyot kaugnay ng kanyang naging partisipasyon sa protestang “Baha sa Luneta” noong Setyembre 2025.  


Si Jacob Baluyot, isang mamamahayag at lider-estudyante, hawak ang panawagang, “Journalists, not a target!” kasabay ng paggunita sa World Press Freedom Day sa tarangkahan ng Mendiola. (Janicca Bunao/Edge Magazine)
Si Jacob Baluyot, isang mamamahayag at lider-estudyante, hawak ang panawagang, “Journalists, not a target!” kasabay ng paggunita sa World Press Freedom Day sa tarangkahan ng Mendiola. (Janicca Bunao/Edge Magazine)

Patuloy na panawagan din ang pagpapalaya kay Frenchie Mae Cumpio na mahigit anim na taon nang nakapiit at kamakailan lamang ay hinatulan ng Korte sa Tacloban ng 12 hanggang 18 taong pagkakabilanggo bunsod ng gawa-gawang kaso ng terrorism financing.


Anila, lalong naging kwestyonable ang usapin ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa nang walang habas na paslangin si RJ Nichole Ledesma, isang community journalist at regional coordinator ng AlterMidya, na kabilang sa 19 na nasawi sa masaker ng militar sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.


Ilan lamang sa mga naiulat ni Ledesma ang kalagayan ng mga manggagawa, magsasaka, at marhinadong komunidad sa Negros.


Candle lighting ceremony bilang pag-alala ng pagkapaslang kay Rj Nichole Ledesma, isa sa mga kabilang sa trahedyang Negros 19. (Janicca Bunao/Edge Magazine)
Candle lighting ceremony bilang pag-alala ng pagkapaslang kay Rj Nichole Ledesma, isa sa mga kabilang sa trahedyang Negros 19. (Janicca Bunao/Edge Magazine)

Sa pagtatapos ng programa, nagtirik ng kandila at nag-alay ng isang minutong katahimikan ang mga dumalo sa pag-alala kay Ledesma. 


Para sa mga grupo, malayo pa sa pagiging malaya ang pamamahayag sa bansa. Isang malinaw na manipestasyon din umano ang pagbusal sa mga boses ng mamamahayag kung gaano katakot ang estado na mabunyag ang mga katiwaliang umiiral sa kalunsuran hanggang sa kanayunan. 


Comments


bottom of page