'CONVICT SARA NOW!' sigaw sa pagbubukas ng impeachment trial ni VP Duterte
Nagdaos ng kilos-protesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng Senado sa Pasay City nitong Lunes, Hulyo 6, kasabay ng pormal na pagbubukas ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Layon ng protesta na ipanawagan ang pagpapanagot sa bise presidente sa kinakaharap nitong mga kasong may kaugnayan sa misuse of confidential funds, unexplained wealth and False SALN, Bribery and Procurement Irregularities at Grave Threats or Assasination threats sa Presidente at sakaniyang pamilya na nakasaad sa kaniyang apat na Articles of Impeachment.
Bitbit ng mga raliyista ang mga plakard at streamer na may katagang “SARA LITISIN! PANAGUTIN!” habang nagsagawa ng programa at mga talumpati na nananawagan sa Senado na magsagawa nang patas at agarang paglilitis.
Ayon kay Liza Maza, dating kinatawan ng Bayan Muna party-list , simula pa lamang ang impeachment trial na ito sa pagpapanagot sa katiwalian sa gobyerno at sa lahat ng sangkot.
“They shouldn’t get away, even President Ferdinand Marcos Jr. himself who is on the top,” dagdag pa niya.
“Ang korupsiyon ay hindi lamang nagsimula kay Sara at hindi lang din ito matatapos kay Sara,” paalala ng lider-estudyante na si Raven Racelis na kabilang sa mga nagsalita sa programa.
Tinatayang 6,000 na kapulisan ang ipinakalat upang tiyakin ang kaayusan at maiwasan ang anumang kaguluhan habang nagpapatuloy ang mga kilos-protesta sa unang araw ng impeachment proceedings.
Wala si VP Duterte sa unang araw ng impeachment trial sa kabila ng ilang araw na preparasyon. Ayon sa kaniyang kampo, lumiban ito kasama ang kaniyang grupo sa paghahanda para sa inaasahang pananalasa ng bagyo. Dumalo ang 21 senador bilang mga senator- judges, kung saan nahalal si Senador Francis "Chiz" Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Sa labas ng Senado, mataas ang naging tensyon sa pagitan ng mga progresibong grupo at mga tagasuporta ni Duterte. Kinailangang makipag-usap at makipagkasundo ng mga nagpoprotesta upang maisagawa ang kanilang panawagan at entablado sa mismong kalsada sa harap ng Senado, matapos silang unang pigilan at panatilihin sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Tugon naman ni Police Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), pinapayagan naman ang mga nagpoprotesta sa harap ng Senado, ginawa lamang ang inisyal na pagharang upang paghiwalayin ang dalawang panig upang maiwasan ang banggaan ng mga grupo.
Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa mga susunod na linggo. Tinatayang aabutin ng 92 session days habang hinihintay ng publiko ang magiging desisyon ng impeachment court.
Si VP Sara Duterte ang kauna-unahang opisyal ng Pilipinas na naharap sa dalawang magkahiwalay na impeachment proceedings. Una siyang nahatulan noong February 2025, at nitong May 2026.




Comments