top of page

Paglabag sa karapatang pantao ni Ceeka Garzon, kinondena

Tracy Althea Ramos
Jun 30
2 min read

Nitong Hunyo 6, kinundena ng Release Our Ceeka (ROC) Network ang anila’y “continuous harassment and vilification” ng mga elemento ng estado. Ayon sa kanila, nakababahala ang patuloy na pagpapakalat ng black propaganda ng mga ito at ang ginagawa nilang psychological warfare (psywar) habang nakakulong si Ceeka.


Tatlong buwan na mula nang inaresto at ilegal na idinetena ang artist-activist na si Charlize “Ceeka” Garzon ng 68th Infantry Battalion sa San Jose, Occidental Mindoro mula noong March 27. Ngunit hanggang ngayon, bukod sa nasa loob pa rin siya ng piitan dahil sa mga gawa-gawang kasong illegal possession of explosives, attempted murder, frustrated murder, at murder na isinampa sa kaniya, samu’t sari ring paglabag sa karapatang pantao ang nararanasan niya sa loob.


Photo Courtesy of Release Our Ceeka
Photo Courtesy of Release Our Ceeka

Base sa pahayag, hindi pa umano nakuntento ang mga militar sa ilegal na pagdetine ng mga ito kay Ceeka kung kaya’t patuloy ang kanilang pagpapakalat ng mga litratong, ayon sa ROC, ay “staged” upang palabasing “combatant” o miyembro ng New People’s Army (NPA) si Ceeka.


Dagdag pa rito, patuloy rin umano ang ilang beses nang pagsubok ng mga militar na papirmahin ng “surrender document” ang pamilya ni Ceeka, bukod pa sa mga isyu ng torture, death threats, at interogasyon kay Ceeka nang walang presensya ng isang abogado.


Ayon sa dating kasamahan ni Ceeka sa Panday Sining na si Lilac Fameronag, taktika ito ng estado upang ipilit ang kanilang naratibo na miyembro ng NPA si Ceeka at may pananagutan siya sa pagkamatay ng isang sundalo sa diumano'y naganap na engkwentro sa pagitan nito at ng mga NPA.


“Hindi na nakakagulat sa end ng gobyerno na wala silang distinction between civilian at NPA. Hindi na nakakagulat na gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para i-intimidate ‘yung sa tingin nila ay mga NPA para makuha ‘yung mga impormasyon na gusto nilang marinig,” saad ni Fameronag.


Kuwento niya pa, natatawa na lang si Ceeka nang magkaroon ito ng pagkakataon na ikuwento kung paano siya isinailalim ng mga militar sa interogasyon.


“Natatawa na lang siya na ang daming mga tinatanong na mga bagay sa kaniya tungkol nga ro’n sa mga NPA. Nakakagalit pero at the same time, nakakatawa na lang kasi desperado na talaga ‘yung tactics nila,” dagdag ni Fameronag.


Sa kabila ng kaliwa’t kanang black propaganda na kumakalat laban kay Ceeka, naninindigan ang kaniyang mga tagasuporta na walang mali sa kaniyang ginawa at walang anumang rason upang parusahan siya ng estado.


“Hindi siya ang una at hindi siya ang huli na kabataang estudyante na maghahanap talaga ng avenue para pagsilbihan ang pinakamalawak na kaya niyang pagsilbihan. ” ani Fameronag.


Ayon pa kay Fameronag, dapat asahan ng estado na hindi ang pagkakakulong ni Ceeka at ng marami pang bilanggong politikal ang makakapigil sa patuloy na pagdami ng mga kabataang lumalaban at nakikibaka.


Aniya, “ang mensahe natin sa estado, walang pagdududa na may araw rin sila. Hindi imposible at hindi inevitable ang pagbabago na sobra-sobrang kinatatakutan nila. Yung pagbabanta nila na hindi ito ‘yung last time na makikita o makakaharap nila si Ceeka, parehas din, ayon din ang sasabihin natin—hindi ito ang huling pagkakataon na may mga lalaban sa kahit anong paraan,” dagdag niya pa.

Comments


bottom of page