800 manggagawa ng San Miguel, natigil sa trabaho

Umalma ang mga samahang manggagawa matapos ilagay sa floating status ang mahigit 800 empleyado ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. (SMILSI), isang hakbang na ikinababahala nilang maaaring makaapekto sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at makipagkasundo sa kanilang employer.
Nagsimula ang pagpapatupad ng floating status noong Hulyo 6, dahilan upang hindi na makapasok sa trabaho ang daan-daang empleyado ng kumpanya. Ayon sa pamunuan, may kaugnayan ito sa pagkawala ng kontrata sa ilang logistics operations matapos ang isang bidding process.
Gayunpaman, pinagdududahan ito ng Unyon ng mga Manggagawa sa San Miguel Logistics–Independent (USMILSI-IND) at ng labor rights group na Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR). Anila, naganap ang hakbang ilang buwan lamang matapos kilalanin ng mga ahensya ng gobyerno ang unyon bilang opisyal na kinatawan ng mga manggagawa sa pakikipagnegosasyon sa kumpanya.
Noong Mayo, inatasan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang SMILSI na simulan ang negosasyon para sa isang Collective Bargaining Agreement (CBA) kasama ang unyon. Bago nito, nanalo ang USMILSI-IND sa certification election noong 2023 at kalauna’y kinilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang sole bargaining agent ng mga empleyado.
Dahil sa timing ng pagpapatupad ng floating status, hinala ng ilang labor advocates na maaaring may kaugnayan ito sa pag-usad ng mga aktibidad ng unyon sa loob ng kumpanya.
Ayon sa CTUHR, dapat pa ring tiyakin ng SMILSI na mapoprotektahan ang seguridad sa trabaho ng mga empleyado kahit pa may pagbabago sa operasyon o kontrata ng kumpanya. Hiniling din ng grupo sa DOLE na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung nasunod ang mga probisyon ng labor law at kung may nalabag na karapatan ng mga manggagawa.

Samantala, nagsagawa ng protesta ang mga empleyado kasama ang iba pang samahang manggagawa sa ilalim ng Defend Workers Southern Tagalog sa Santa Rosa at Calamba, Laguna upang ipanawagan ang kanilang agarang pagbabalik-trabaho. Iginiit nila na magdudulot ang pagkawala ng pinagkakakitaan ng daan-daang manggagawa ng matinding epekto sa kanilang mga pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga manggagawa ang magiging tugon ng DOLE kaugnay sa kanilang mga reklamo at panawagang maibalik sa trabaho ang mga apektadong empleyado.




Comments