Sa Kowloon House, pait ang lasa ng tagumpay sa gitna ng patuloy na pag-uusig sa unyon
Updated: May 12
Siopao, mami, at dimsums—dito kilala ang Chinese restaurant chain na Kowloon House. Subalit sa likod ng mga sikat nitong pagkain ay mga manggagawa nitong patuloy na kinakapos sa pang-araw-araw na buhay dahil sa kakarampot na sahod na ‘di nakakasabay sa lumalalang krisis ng bilihin.
Siopa

Ayon sa Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU) Kowloon House West Chapter, pumutok ang isang linggong welga nang hindi maisakatuparan ng management ang ₱25 umento sa loob ng tatlong taon na nakabase sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng unyon at ng Katipunan Food Services Inc. (KFSI) noon pang 2021.
Mula Abril 15 hanggang Abril 20, ipinaglaban ng mga manggagawa ang makatarungang ₱35 umento na humantong sa napagkasunduang ₱20 na dagdag-sahod, mga benepisyong pang-manggagawa, at pagbalik ng tinatayang ₱570,000 service charge sa nagdaang taon na hindi nila natanggap.dim

Subalit ilang araw lamang matapos, ang dapat sanang matamis na tagumpay ng welga ay ang sunod-sunod na pagtatangkang lansagin ang kanilang unyon.g Ch
Para kina Arnel Diwa, noodle house worker, at Indianna Go, miyembro ng Glowhrain-KMU Kowloon House West Chapter, hindi na ito bagong taktika ng KFSI.Ko
“Lahat ng aspect ng panunupil, ginagamit ng management: mula sa pagsasara, pagtatanggal, pag-abuso sa batas. Malaki ‘yong binabawi sa tagumpay no’n, kaya ang sabi din ng mga manggagawa, hindi kami magdadalawang-isip magputok ulit ng welga,” ani Go.
Ganti sa Unyon
Ilang araw lamang matapos ang welga nang magsara ang KMN Noodle House, ang unit kung saan nakapaloob si Diwa at higit-kumulang 70 pang manggagawa.

“After po ng rally, within a day, akala namin naayos na ‘yong management at unyon, kasi okay na. Balik-trabaho na ‘yong sunod tapos biglang pinatawag kami, urgent, akala namin babalik na kami lahat, ‘yon na pala ‘yong pinakahuli naming pag-uusap. Magsasara na daw ‘yong kumpanyang KMN,” pagbabahagi ni Diwa.
Ayon sa paliwanag ng KFSI sa Rappler, hindi umano konektado ang pagsasara ng KMN Noodle House sa naging welga, kundi dahil sa laban ng may-ari nito sa sakit na kanser. Pero ani Diwa, matagal na nilang alam ang sakit nito at maaari rin umanong asikasuhin muna ng mga kapatid nito ang KMN.

Sinegundahan ito ni Go na iginiit ring hindi grounds para sa pagsasara ng noodle house ang sakit ng may-ari, lalo pa kung hindi ito dumaan sa tamang proseso sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Si Arnel lamang ang nagtatrabaho sa kaniyang pamilya. Nangungupahan siya sa Maynila upang tustusan ang kaniyang mga mahal sa buhay na nasa Pampanga, at pinapag-aral ang dalawang anak na nasa kolehiyo at hayskul.
Bagaman nauunawaan at ipinagdarasal ng mga manggagawa ang paggaling sa iniindang karamdaman ng may-ari ng naturang noodle house, kasabay nito, hindi naman anila maaaring isuko ang trabahong bumubuhay sa kanilang mga pamilya, lalo pa’t lumalala ang krisis sa presyo ng bilihin.
Pero hindi lamang terminasyon ang naging banta sa kanilang kabuhayan.
Bago pa ang welga, ilang beses ring siyang pinalipat-lipat ng unit nang walang kadahilanan. Mula sa sauce department, patungo sa gulaman department, inilipat siya sa dishwasher area, at sa kasalukuyan, sa noodle house.
Ang tinitingnang dahilan nito ay ang kakulangan sa lakas-paggawa ng kumpanya—at pagbuwag sa unyon.
“Noong nalaman nilang kailangan ako ng unyon, bigla nila akong nilipat sa ibang department. Ganoon rin sa ibang mga kasama sa noodle house, alam nila kapag kinakausap ng unyon, tina-transfer nila,” saad ni Arnel.
Dagdag pa ni Go, may kaso rin na pagkalipas ng welga, may mga manggagawa sa production na sapilitang pinag-leave.
“Hindi naman nakasulat sa memo na tanggal e, pero hindi na pinapapasok,” ani Go.
Para sa unyon, taktika ng management ang lahat ng isyung kanilang kinakaharap upang pigain ang assets ng Kowloon House West Avenue upang mabuwag ang unyon nang hindi naapektuhan ang produksyon ng Kowloon House.
Kasabay nito ang pagbawi sa mixer ng KFSI na ginagamit sa produksyon ng mga manggagawa upang ilipat sa ibang kompanya dahil sarado na raw ang noodle house. Kinokondena ito ng unyon bilang isang porma ng “runaway shop” na ipinagbabawal sa batas.
“Kumbaga, uubusin niya ‘yong asset sa main company para wala nang magtatrabaho doon, at magke-create siya ng bagong entity para ma-replenish ‘yong manggagawa. Tatanggalin ‘yong unyon, ‘yong mga manggagawa ng KFSI, pero ‘yong negosyo niya parehas pa rin, kasi ‘yong products pa rin naman diyan, same sa trademark ng Kowloon,” paliwanag ni Go.
Bukod pa rito, kasalukuyan ding hinaharap ng unyon ang mga criminal charges na isinampa sa kanila ng management tulad ng theft, physical injury at illegal detention sa mga guwardiyang nakulong noong welga.

Sa kabila ng mga isyung ito, sinusubukan pa rin ng grupo na ipaglaban ang kanilang karapatan sa DOLE bago magputok muli ang welga, umaasang papakinggan sila ng kompanya.
Sa kasalukuyan, nakikipag-areglo pa ang unyon sa kompanya sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng DOLE, dala ang mga panawagang maibalik ang mga taong na-disperse sa production, sa noodle house at sa take-out counter.




Comments