top of page

Residente ng SJDM nagprotesta laban sa palpak na serbisyo ng PrimeWater

Jordan Joaquin
Jun 23
2 min read

Iginiit ng ilang residente ng San Jose Del Monte, Bulacan ang kanilang karapatan sa malinis na tubig laban sa nalulugmok na sistemang ipinaparanas sa kanila ng PrimeWater Infrastructure Corporation nitong Lunes, Hunyo 22. 



Bitbit ng mga residente ang hinaing ukol sa mahal na presyo ng tubig, kulang-kulang na serbisyo, at pagiging pasakit nito sa araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkakaroon lamang ng partikular na oras ng tulo ng tubig. 


Ikinagalit pa lalo ng mga residente ang pagkapanalo ng nasabing water concessionaire sa kanilang kaso na inupuan sa Las Piñas Regional Trial Court na nagpabisa pa sa kanilang kapangyarihan para hindi maputol ang pangangasiwa sa lungsod.


Sa bagong ulat, hawak na ng bilyonaryong si Lucio Co ang kompanya ng PrimeWater Infrastructure Corporation matapos makuha ang 100% na assets nito sa pamilyang Villar noong 2025. 


Giit ng mga residente, hinaharangan umano ng korporasiyon ang kagustuhan ng mamamayan ng SJDM na lumipat sana sa Metro Pacific Water.


Matatandaan na idineklara ng lungsod ang state of emergency sa kanilang lugar dahil sa lugmok na serbisyo ng tubig. 


Bunga nito, nag-isyu ang lokal na pamahalaan ng kasulatan na dapat humanap na ng bagong water provider sa lungsod at ito ang napigilan ng PrimeWater sa kanilang 20-day temporary restraining order galing sa Las Piñas RTC. 


Sa resolusyon ng korte, mayroon pang umiiral na kasunduan sa pagitan ng PrimeWater at San Jose Del Monte Water District para protektahan ito laban sa panghihimasok ng iba pang water provider. 


Ngayong araw, Hunyo 23, muling nagkaroon ng mobilisasyon ang mga residente ng SJDM sa harap ng Las Piñas RTC bilang segunda sa naging desisyon ng korte para sa kaso ng PrimeWater Infrastructure Corporation. 


Sa kabila nito, wala pa ring tugon ang PrimeWater sa naturang isyung kinakaharap ng mga residente. 



 
 
 

Comments


bottom of page