top of page

Paglitis kay VP Sara at pag-aresto kay Bato, sigaw ng mga progresibo

Tracy Althea Ramos
May 19
2 min read

Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa labas ng Senado sa Pasay City kahapon, Mayo 18, upang ipanawagan ang tuluyang pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte, kasabay ng unang araw ng pagko-convene ng Senado bilang isang impeachment court.


Martsa ng mga progresibong grupo tungong Senado/Harold Curia
Martsa ng mga progresibong grupo tungong Senado/Harold Curia

‎Sa kabila ng malakas na ulan, nagtipon ang mga grupo kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) upang saksihan umano ang pagpapanagot ng taumbayan kay VP Duterte na dalawang beses nang na-impeach sa Kamara. 


Iginiit din nila sa pagkilos ang agarang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato”  Dela Rosa na ngayo'y itinuturing na pugante matapos umalis sa Senado noong hinainan ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).


Ayon kay Mong Palatino, Secretary-General ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), hindi dapat maging institusyon ang Senado na pumoprotekta sa korap at berdugo. Aniya, kung hindi kikilos ang Senado, handa ang mamamayan na kumilos upang panagutin ang bise presidente.


“Kaya tayo nandito sa harap ng Senado para ipaalala sa lahat, lalong-lalo na sa ating mga senador, na nagbabantay ang taumbayan. Nagbabantay at naniningil ang taumbayan!” ani Palatino.


Plakard na may tampok na panawagan ng protestang ‘SARA PANAGUTIN!”, “BATO ARESTUHIN!”/Harold Curia
Plakard na may tampok na panawagan ng protestang ‘SARA PANAGUTIN!”, “BATO ARESTUHIN!”/Harold Curia

Matatandaang samu’t saring pangyayari ang naganap sa loob ng Senado sa mga nagdaang araw—mula sa pagbabalik ni Dela Rosa matapos ang anim na buwang pagliban sa tungkulin, hanggang sa naganap na barilan sa loob ng institusyon, at sa kaniyang muling pag-alis.


Para sa grupo, panloloko sa taumbayan ang nagaganap na kaguluhan sa Senado. 


Ani Nanette Castillo, ina ng isa sa mga biktima ng EJK sa ilalim ng administrasyong Duterte, “ang ginawa nilang moro-moro drama sa Senado ay hindi dapat patawarin ng mamamayang Pilipino. Under attack daw ang Senado? Nino? Ng sarili niyong kagaguhan? Wala kayong puso para sa mga pinatay! Wala kayong puso para sa anak ko!”


Aniya pa, hindi na nila alam kung paano pa hahabulin si Bato, gayong hirap na hirap na silang makita ito sa anim na buwang hindi pagsulpot sa Senado.


Nanette Castillo, ina ng EJK victim na si Aldrin Castillo hawak ang panawagang hustisya para sa kanyang anak at “wanted” poster ni Senador Bato Dela Rosa/Harold Curia 
Nanette Castillo, ina ng EJK victim na si Aldrin Castillo hawak ang panawagang hustisya para sa kanyang anak at “wanted” poster ni Senador Bato Dela Rosa/Harold Curia 


Hindi rin nakaligtas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang isa sa mga opisyales ng gobyerno na kanilang hiningan ng pananagutan. Para sa kanila, malaki ang parte ni Marcos Jr. sa mga nangyayaring kaguluhan sa pamahalaan.


“Higit sa lahat, bakit ba hindi naaresto si Bato dela Rosa? Dahil nagpatumpik-tumpik itong si Marcos Jr. Nauuna ang kaniyang takot na siya ay mapatalsik sa pwesto sa halip na ang bigyang-timbang ay ang sigaw ng taumbayan para sa pananagutan at hustisya,” ani Palatino.


Samantala, matapos magtipon ang Senado bilang impeachment court, ipinag-utos nito na ipatawag si VP Duterte at binigyan siya ng sampung araw para magsumite ng kaniyang sagot sa impeachment complaint laban sa kaniya.


Nangako ang grupo na hindi sila titigil sa panawagan na panagutin si VP Sara Duterte at Senador Bato dela Rosa hangga’t hindi nakakamit ng taumbayan ang hustisya.


 
 
 

Comments


bottom of page