Tugon sa krisis sa ekonomiya, pagwakas sa imperyalismo—panawagan ngayong Mayo Uno
Updated: May 2
Kinulayan ng pula ng libong manggagawa mula sa iba't ibang propesyon ang kahabaan ng España Boulevard sa Maynila bilang pagsalubong sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa kahapon, Mayo 1.

Kasabay ng pagbitbit ng mga panawagang pagpapataas ng sahod at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pinuna ng mga manggagawa ang kawalang solusyon sa lumalalang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), 5.8% ang unemployment rate nitong Enero 2026, pinakamataas mula noong Hunyo 2022.

Kasama rin sa panawagan ang pagbasura sa Oil Deregulation Law kung saan kontrolado ng malalaking kumpanya ng langis ang merkado, na dahilan sa patuloy na pagsirit ng presyo nito.
"Inuuna ng gobyerno ‘yung fact na gusto nila kumita, imbes na serbisyuhan ang mamamayang Pilipino," saad ni Leina Hidalgo ng Sama-Samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA).
Binigyang-diin din ng mga manggagawa na bukod sa pagiging negosyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng langis, mas inuuna pa anila ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpondo sa AFP-PNP na sangkot sa malawakang paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang kamakailan lang na massacre sa Toboso, Negros Occidental, kung saan 19 na indibidwal ang nasawi.

"Nagtataas na ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin, pero ang gobyerno ni Bongbong Marcos ay walang aksyong ginagawa, pero naisip pa niyang maglaan ng malaking badyet sa AFP-PNP para pigilan ang mga manggagawa't mamamayan na kumilos," ani Mary Ann Castillo, Secretary-General ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Nagpatuloy ang programa sa pangangalampag sa US Embassy sa Kalaw. Dala ng mga manggagawa ang ‘Trio Delubyo’—isang dambuhalang effigy na may mukha nina Pangulong Marcos Jr., US President Donald Trump, at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Iginiit ng mga manggagawa na ang puno't dulo ng lahat ng krisis na nangyayari sa bansa ay walang iba kung hindi ang korupsiyon ng administrasyong Marcos Jr. at pagiging tuta mismo ng pangulo sa imperyalistang US.
Nagtapos ang programa sa pagsusunog ng effigy bilang simbolo ng panawagang pagwakas sa umiigting na imperyalismo at krisis sa ekonomiya.




Comments