Cumpio, ginawaran ng Wallis Annenberg Justice for Women Journalists Award
Pinarangalan ng International Women's Media Foundation (IWMF) si Frenchie Mae Cumpio ng 2026 Wallis Annenberg Justice for Women Journalists Award, na ibinibigay sa mga babaeng mamamahayag na nakakulong o naka-detensyon dahil sa kanilang trabaho. Inanunsyo ito noong Mayo 14 sa ika-37 taunang Courage in Journalism Awards ng IWMF.
Dating executive director ng Eastern Vista at radio broadcaster sa Aksyon Radyo Tacloban si Cumpio kung saan isinisiwalat niya ang mga pangaabuso, paglabag sa karapatang pantao, at militarisasyon sa Eastern Visayas bago siya arestuhin noong Pebrero 7, 2020.
Kinasuhan ang mamamahayag ng illegal possession of firearms and explosives ngunit pinawalang-sala ito ng Regional Trial Court (RTC) ng Tacloban City, Leyte, habang hinatulan naman siya ng guilty sa kasong terrorism financing at nasintensyahan ng 12 hanggang 18 taon na pagkakakulong noong Enero 22.
Kasama si Cumpio sa tinatawag na “Tacloban 5” kung saan inaresto rin ang aktibistang si Marielle Domequil at tanggol-karapatan na si Alexander Abinguna.
Para kay IWMF President Elisa Lees Muñoz, patunay ang mga kwento ng mga ginawaran ng parangal sa lumalalang krisis sa kalayaan ng pamamahayag sa buong mundo. Sinabi niya na hindi na lamang pinipigilan ang pamamahayag kundi ginagawa na itong isang krimen.
"Dahil ginagawang krimen ang pag-uulat ng katotohanan, ang tapang na ang magiging pag-asa ng pamamahayag,” ani Muñoz.
Sa mensaheng ibinahagi ni Cumpio mula sa loob ng kulungan, nagpasalamat siya sa pagkilalang ito ngunit idiniin niya na mas malaki ang kanyang paggalang sa lahat ng patuloy na naniniwala sa katotohanan at katarungan.
"Lumaki ako sa isa mga pinakamahirap na rehiyon ng bansa kaya’t ang pagbubunyag ng katotohanan, paglalantad ng mga pang-aabuso, at pagbibigay ng tinig sa mga hindi pinakikinggan ay hindi isang desisyon ngunit isang pangangailangan.”
Pinili rin si Cumpio ng Committee to Protect Journalists, Reporters Without Borders, at Free Press Unlimited bilang nominado para sa 2026 Guillermo Cano World Press Freedom Prize ng UNESCO, isa sa mga pinakaprestihiyosong parangal sa larangan ng pamamahayag sa buong mundo.
Para sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), hindi lang para kay Cumpio ang pagkilalang ito kundi para sa lahat ng mga mamamahayag sa mga komunidad na patuloy pa ring lumalaban para sa katotohanan.
"Nagpapasalamat kami sa IWMF sa pagpili kay Frenchie mula sa maraming nominado sa buong mundo," sabi ng grupo sa kanilang nilabas na pahayag.
Muling nanawagan ang NUJP na palayain sina Cumpio, Domequil, at Abinguna.
Malinaw din ang mensahe ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL), na siyang abogado ni Cumpio, na anuman ang naging hatol ng lokal na hukuman, mas mahalaga ang sinasabi ng sambayanan.
"Kinikilala ng mundo si Frenchie Mae bilang isang mamamahayag na nakakulong dahil sa trabaho niyang magsiwalat ng katotohanan, at sa pagkilalang iyon ang pinakamalakas na pagpapatunay ng kanyang layunin bilang mamamahayag para sa bayan," pahayag ng NUPL.
Bukod kay Cumpio, kabilang din sa mga ginawaran ngayong taon ang Amerikanong broadcast journalist na si Georgia Fort, ang magkapatid na Iranian journalists na sina Elaheh at Elnaz Mohammadi ng Ham-Mihan, at isang mamamahayag mula Myanmar na nagtatago sa kanyang pangalang Nay Min Ni ng Myanmar Now.




Comments