top of page

Maling paghawak ng AFP sa mga katawan ng Negros 19, kinuwestiyon

Jordan Joaquin
May 11
2 min read

Pinuna ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun sa isang press briefing nitong Mayo 7 ang hindi maayos na paghawak ng  Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga katawan ng mga biktimang minasaker sa nangyaring armadong engkwentrong ikinasa ng 79th Infantry "Masaligan" Battalion  sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.


(Larawan mula sa Altermidya)
(Larawan mula sa Altermidya)

Ayon kay Fortun, mali ang ulat ng AFP hinggil sa sanhi ng pagkamatay ng mga biktima, taliwas sa pahayag ng militar na nanlaban ang mga ito. Batay sa inisyal na datos ni Fortun, nasa likod at hindi sa dibdib ang mga natamong tama ng bala ng mga biktimang namatay sa Toboso. 


Malakas na indikasyon umano ang kawalan ng tama sa harapang bahagi ng katawan, na walang naganap na palitan ng putok, at hindi totoong nanlaban ang mga sibilyan. 


“Kapag hindi kayo nagtanong, nakakalusot. Walang accountability. Patayan lang nang patayan. And anong tawag dito? Impunity,” ani Fortun.


Kinwestiyon ni Fortun ang hindi pagbibigay ng agarang tulong medikal sa mga sugatang hors de combat o mga indibidwal na wala nang kakayahang lumaban. Maituturing umano itong war crime sa ilalim ng International Humanitarian Law. 


Dagdag niya, bukod sa mga maling ulat ng militar, may bahid din ng hindi makatarungang pangangalaga sa mga labi bago pa man sila nabawi ng mga kaanak mula sa militar. 


Kinumpirma ni Fortun na nakatanggap ng maling bangkay ang pamilya ni Errol Wendel, isa sa mga nasawing organisador ng mga magsasaka. Kumpara sa katawan nitong matangkad, maliit na katawan at may panot sa ulo ang ibinigay sa pamilya ng biktima.


Tinanggal din umano ng militar ang mga damit ng biktima na nagsisilbing kritikal na piraso ng ebidensiya sa imbestigasyon.


(Larawan mula sa Altermidya)
(Larawan mula sa Altermidya)

”May nagsabi sa akin, nilagyan lang daw ng number tapos binigyan ng pangalan. Was there anything done to document, to make sense of these bodies, kung sino talaga sila?” tanong ni Fortun.  


Aniya, nakaugat mismo sa pagdepende sa proseso ng mga militar ang hindi maayos na progreso ng mga kaso at imbestigasyon dahil mismong mga awtoridad na pumatay ang nag-iimbestiga. 


 “Paulit-ulit na lang na nangyayari ito sa bansa, so please step up. Everybody step up. Nakakahiya naman tayo,” panawagan ni Fortun.

Samantala, minungkahi ni Fortun sa mga netizen na respetuhin ang mga biktima ng masaker at umiwas sa mentalidad na katawa-tawa ang mga indibidwal na tumutungo sa kanayunan para makipamuhay sa mga inaapi ng naghaharing uri.


“They don’t look anything like corned beef, take it from me because I see a lot of dead bodies. You know what they look like, tao, people. People with injuries, people who were killed,” saad ni Fortun.


Comments


bottom of page