Payag ka, invisible ka pero kita pepe?
Sa isang makulit na mundong pwede kang magkaroon ng kapangyarihang maging invisible, papayag ka ba kung ang kondisyon ay kita ang ari?

Para sa mga babae, parang hindi naman ito simpleng makulit na ideya. Dahil sa araw-araw, reyalidad na para sa mga kababaihan ang maging invisible—ang hindi makita at pahalagahan ng lipunan—at timbangin lamang ang kaniyang halaga batay sa kaniyang ari.
Ngunit, sino ang isang babae kung wala siyang puke?
Babae pa rin ba ang isang “babae” kung wala siyang puke—ang pukeng pinaglalabasan ng panibagong buhay? Ang pukeng instrumento ng reproduksiyon? Babae pa rin ba siya kung wala siyang pukeng nagbibigay-kaluguran sa lalaki?
Sino ang nagtatakda ng pagkababae? Saan nagsisimula ang pagiging babae? Sa pagkakataon ba na damputin ni nene ang pang-kolorete sa mukha? Kapag dumating ang kauna-unahan niyang menstruation? Kapag isinuko na niya ang “Bataan”?
Saan nagtatapos ang pagiging Eba, Maria, nene, ate, nanay, tita, lola—ang pagiging babae? Kapag ba tumanggi siyang umupo nang magkadikit ang dalawang binti? Kapag ba malakas ang kaniyang boses sa pagsasalita? Kapag ba hindi siya nakikilahok sa mga usapin at gawaing pampolitika?
Ano ba ang nagpapababae sa isang tao?
Sa unang tingin, tila madali itong sagutin. Lumaki tayo sa paniniwalang ang pagiging babae ay nakabatay sa biyolohikal na katangian. Kapag ipinanganak kang may mga katangiang pisikal na iniuugnay sa kababaihan, babae ka. Kapag wala, hindi. Ito ang paliwanag na matagal nang tinanggap ng karamihan bilang simpleng katotohanan.
Ngunit habang mas nagiging bukas ang mga diskusyon tungkol sa kasarian at identidad, mas nagiging malinaw na hindi sapat ang katawan upang bigyang-kahulugan kung sino at ano ang katangian ng tunay na babae.
Higit sa Katawan, Higit sa Pamantayan
Kapag sinabi nating biyolohikal na katangian lamang ang basehan ng pagkababae, agad itong nagbubukas ng maraming tanong na mahirap sagutin. Paano ang mga babaeng hindi maaaring magkaanak? Paano ang mga may PCOS, hormonal imbalance, o iba pang kondisyong nakaaapekto sa kanilang reproductive system? Kapag hindi naaayon ang kanilang katawan sa inaasahan ng lipunan, nawawala ba ang kanilang pagiging babae?
Madalas nating ipinapalagay na may iisang mukha, iisang katawan, at iisang paraan lamang ng pagiging babae. Ngunit kahit sa mga cisgender women, makikita na agad kung gaano ito kalimitado. May mga babaeng matangkad, may mga babaeng maskulado, may mga babaeng mababa ang estrogen, at may mga babaeng hindi kailanman magkakaroon ng anak. Gayunpaman, hindi naman natin kinukuwestiyon ang kanilang pagkatao bilang babae.
Ganito na kakumplikado ang usapin ng pagkababae sa hanay ng mga ipinanganak na may puke. Lalong nagiging maugong ang usapin kapag ipinasok na ang tungkol sa piniling kasarian o gender identity.
Hanggang ngayon, pinagtataasan pa rin ng kilay ng lipunan kapag ang isang lalaki, batay sa kaniyang ari pagkapanganak, ay piniling kilalanin ang sarili bilang babae. Patuloy pa ring isinasandal sa pader ng lipunan ang mga transgender woman o transwomen dahil sa kanilang gender identity.
Sa ganitong pagkakataon, lalong tumitindi ang pagkakahon sa pagkababae sa batayan lamang ng ari—kung may puke o wala—at sa batayan ng lipunan: kung sumusunod siya sa napakahabang listahan ng mga pamantayan kung babae siya o hindi.
Kapansin-pansin na sa tuwing pinag-uusapan ang pagkababae, tila may nakasulat na checklist na kailangang sundin. Dapat ganito ang katawan. Dapat ganito ang kilos. Dapat ganito ang papel sa lipunan. Kapag lumihis ka rito, kukwestyunin ka ng lipunang hindi handang tumanggap ng iba’t ibang depinisyon ng pagkababae.
Ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng kababaihan
Mula sa napakahabang kasaysayan ng Pilipinas, marahil si Gabriela Silang ang isa sa pinakamalinaw na patunay kung gaano kalalim ang impluwensiya ng patriyarka sa paraan ng pagtingin natin sa kababaihan. Bagama't isa siya sa mga pinakakilalang babaeng bayani sa kasaysayan ng Pilipinas, madalas pa rin siyang ipakilala bilang asawa ni Diego Silang bago bilang isang lider ng rebolusyon.
Nakapagtataka na kahit ang isang babaeng nagpatuloy sa pakikibaka laban sa kolonyalismo ay tila hindi pa rin lubusang makilala nang hiwalay sa pangalan ng isang lalaki. Para bang kailangang may kaugnayan muna siya sa isang lalaki bago kilalanin ang kaniyang ambag sa kasaysayan.
Kung gayon, malinaw na hindi lamang katawan ang nagiging batayan sa paghuhusga sa kababaihan. Maging ang kanilang mga tagumpay, kakayahan, at pagkatao ay madalas na sinusukat batay sa kung paano sila nauugnay sa iba.
At marahil iyon ang mas malaking suliranin: hindi ang kakulangan ng kababaihan, kundi ang pagkahilig ng lipunan na tingnan sila bilang karugtong lamang ng iba at hindi bilang mga taong may sariling pangalan at tinig.
Hindi tayo ipinapanganak na ganap na tayo
Ang pagkababae ay hindi isang bagay na may iisang kahulugan para sa lahat. Ito ay nahuhubog ng mga karanasan, paniniwala, kultura, at paraan ng pag-unawa ng isang tao sa kanyang sarili. Kagaya na lamang kung paanong walang taong ipinapanganak na punk, goth, artist, aktibista, manunulat, o musikero. Katulad ng pagkababae, natutuklasan natin ang mga bagay na ito habang lumalaki tayo. Unti-unti nating nabubuo ang ating mga paniniwala, interes, at paraan ng pagpapahayag ng sarili.
Marahil kaya mahirap sagutin kung saan nagsisimula at nagtatapos ang pagiging babae ay dahil matagal na nating hinahanap ang sagot sa maling lugar.
Hinahanap natin ito sa puke. Sa kakayahang manganak. Sa pagiging asawa, ina, o tagapag-alaga. Hinahanap natin ito sa kakayahan ng mga kababaihan na magpasakop sa kontrol ng kalalakihan at lipunan. Hinahanap natin ito sa katawan, sa mga pamantayan na matagal nang itinakda para sa kababaihan, na para bang may iisang paraan lamang ng pagiging babae.
Ngunit bakit kailangang ikulong ang pagkababae sa mga tungkuling ito? Bakit tila may iisang hulmahan lamang ng pagiging babae na dapat sundin upang kilalanin at respetuhin, samantalang walang bahagi ng katawan ang kayang maglaman ng kabuoan ng isang tao.
Ang babae ay hindi nasusukat sa kung ano ang mayroon o wala sa kaniyang katawan. Hindi rin siya nabubuo ng mga inaasahang ipinapataw sa kaniya ng lipunan. Nabubuo siya sa mga karanasang humuhubog sa kaniya, sa mga paninindigang pinipili niyang ipaglaban, at sa mga landas na siya mismo ang nagpapasyang tahakin.
Kaya marahil hindi nagsisimula ang pagkababae sa puke, at lalong hindi rito nagtatapos. Sapagkat ang babae ay higit pa sa anumang pamantayang pilit na isinisiksik sa kaniya. Siya at siya lamang ang taong patuloy na bumubuo ng kaniyang sarili.
Sino ang isang babae kung wala siyang puke? Siya ay kung sino man ang nais niyang maging.




Comments