top of page

Lahat ay politikal, lalo na ang pagmamahal

Alessandra Reodique
Jul 11
5 min read

Sabi nila, hindi sapat ang pagmamahal lang upang maisalba ang isang relasyon. Kailangan rin ng tiwala, respeto, at maayos na komunikasyon. 


Ngunit sa isang lipunang patuloy na nilalamon ang kasiguruhan ng kinabukasan ng mga mamamayan, ang pag-ibig ay naniningil na nang mas higit pa sa pang-emosyonal na pundasyon. Hindi na lamang ito usapin ng puso, kundi usapin ng sikmura, bulsa, karapatang pantao, at sistemang panlipunan. 


Paano nga ba umibig sa bansang Pilipinas?


Para sa mga karaniwang mamamayan at manggagawa, ang pangakong pagmamahal na “malayo sa magulong mundo” ay suntok sa buwan. Hindi kailanman mailalayo at mailalabas ito sa ingay ng lipunan. Dahil ang pag-ibig ay likas na politikal. 


Ang kakayahang magmahal, pati na rin ang antas nito, ay direktang hinuhubog ng mga sistemang namamahala sa atin. Wala nang mas malinaw na patunay rito kundi ang pamumuhay, sakripisyo, at pakikibaka ng mga Pilipino. 


Kaya naman ang pag-ibig ay higit pa sa isang romantisadong konsepto, ito ay isang mabigat at araw-araw na pagpapasya.


Pag-ibig bilang luho


Mahal ang magmahal. Para sa isang manggagawang kumakayod, ang pagmamahal ay nagiging isang karangyaang may kalakip na presyo. Isang karagdagang responsibilidad na may kaakibat na bayarin.


Sa kasalukuyan, nasa ₱92 hanggang ₱97 ang minimum wage per hour sa Pilipinas. Mas mababa pa kung ang trabaho ay agrikultura o service/retail. Higit pang mababa kung kumakayod sa labas ng Metro Manila, dahil umaabot lang ito sa ₱45 to ₱75 kada oras. 


Kung ganito lamang ang sahod mo, bawat oras ay mahalaga. Wala kang ibang p’wedeng gawin kundi lubusin ang oras sa isang araw upang kumayod. Pagkatapos, hindi pa tapos ang sistema sa pagpiga sa’yo, uubusin din nito ang pera, oras, at lakas mo sa pagkomyut pauwi. At pagdating mo sa bahay, naghihintay sa’yo ang mga bayarin. 


Hindi mo na p’wedeng sabihin na oras at atensyon lang para sa kasintahan ay sapat na, dahil pati ang mga ito ay ubos na rin.


Bawat minutong trinabaho mo ay katumbas ng bawat sentimo na pambili ng bigas na kakainin sa araw-araw. O gamot para sa miyembro ng pamilyang may problema sa kalusugan. O pandagdag sa tuition fee ng kapatid mong hirap tustusan ng magulang.


At sa ekonomiyang laganap ang konsumerismo, kailangang patunayan ang pagsinta sa pamamagitan ng paggastos: date sa labas, pagbibigay ng bulaklak o regalo, paghatid o sundo, at marami pang iba. Hindi na lamang sasapat ang mahigpit na yakap at “mahal kita”.


Kaya naman para sa manggagawang Pilipino, ang pagmamahal ay nagiging kalakal. Tila isa itong reward na makakamit lang kapag mayroon ka nang pera. Ngunit para magkaroon ng pera ay kailangan mong ubusin ang iyong oras at lakas sa paghahanapbuhay.


Kung ganito ang reyalidad, may karapatan ka nga ba talagang magmahal?


Pag-ibig bilang krimen


Sabi nila, ang pag-ibig ay mapagpalaya. Ngunit sa sangkabaklaan, walang kalayaang pumili kung sino ang dapat ibigin. 


Sa bansang ito, ang pagmamahal sa parehong kasarian ay walang legal na puwang sa mata ng batas. Higit dalawang dekada na ang nakaraan matapos ipanukala ang SOGIESC (Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics) Equality Bill, ngunit hanggang ngayon ay nananatili itong nakabinbin at hinaharang sa kongreso at senado. 


Halata ang delaying tactics ng mga oportunistang politiko na malaki ang habol sa voter bloc ng malalaking konserbatibo at relihiyosong grupo na matindi ang pagtutol sa nasabing bill. Kaya naman patuloy pa rin ang pagkaantala nito sa loob ng mahabang panahon.


Para sa isang batas na naglalayong mabuhay nang malaya at ligtas kasama ang taong mahal mo na hindi tinatanggalan ng trabaho, pinagkakaitan ng serbisyo, dinidiskrimina o binubugbog sa kalye na tila isang kriminal—isang batas na hindi naghahangad ng malaki kundi pantay na karapatan—aakalain mong madali na lamang maipapasa ang SOGIESC Equality Bill; ngunit ilang protesta at martsa pa ba ang kailangang gawin para lang makita at ituring ang mga bakla bilang tao rin?


Ang pag-ibig na sana ay nakakamit ng kahit sino, anuman ang sekswalidad o kasarian nito, ay nagiging isang politikal na laban na mahirap ipanalo. Sa lipunang mapangmata at nagdidikta, kailanman ay hindi naging tunay na malaya ang pagmamahal para sa mga Pilipinong bahagi ng LGBTQIA+ community. 


Pag-ibig bilang rehas


Kung sa unang beses ay nagkamali ka sa pagpili, wala ka na bang karapatang magsimula muli?


Sa bansang ito, ang pagmamahal—at pagtatapos nito—ay isa ring mainit na tunggaliang politikal. Tulad ng SOGIESC Equality Bill, ang Divorce Bill ay nananatili pa ring nakabinbin sa Senado matapos nitong maipasa sa ikatlong pagbasa ng Kamara. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas na lamang, kasama ang Vatican City, ang natitirang estado sa buong mundo na walang batas para sa diborsyo. 


Muli, estado na naman ang nagdidikta kung kailan, paano, at dapat bang wakasan ang isang relasyon. Mayroon ngang alternatibong annulment, ngunit para sa karaniwang mamamayan, ito ay isang mahaba, traumatic, at napakamahal na proseso. Kung wala kang pera ay hindi mo mabibili ang iyong kalayaan, habambuhay kang matatali sa isang patay na relasyon.


Lumalalim pa ang usapin na ito, lalo na sa mga kababaihan, kung siya ay nakararanas ng abuso sa kanyang asawa. Dahil walang batas para sa diborsyo, walang proteksyon sa kanyang karapatan, ari-arian, at kaligtasan.


Iginigiit ng mga tutol sa Divorce Bill na ito ay wawasak sa pamilyang Pilipino. Ngunit para sa mga relasyon o pamilyang matagal nang wasak, ito na lamang ang tanging solusyon na makakabuti para sa bawat isa. Paraan ito upang bumangon at magsimula ulit. 


Ang pakikipagdiborsyo ay isa ring akto ng pagmamahal—pagmamahal para sa sarili, pagmamahal sa unang bersyon ng taong minahal mo, at pagmamahal para sa anak upang hindi ito lumaki sa magulong pamilya.


Kung pati ito ay ididikta pa ng lipunan sa atin, sino ba talaga ang may hawak sa karapatan at paraan kung paano dapat tayo magmahal?


Pag-ibig bilang usaping politikal


Lahat ng bagay ay politikal.


Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng bagay ay tungkol sa eleksyon, partido, o mga iniidolong politiko. Kundi, bawat aspeto ng buhay natin ay hinuhubog at apektado ng kapangyarihan, karapatan, at mga desisyon ng lipunan. Likas na bahagi na ito ng pag-iral mo bilang isang mamamayan.


Sa kasalukuyang lipunan na walang pagkakapantay-pantay, ang magmahal ay mahirap, mahal, at mapanganib. 


Kung kinakailangan mo pang mamili sa pagitan ng paglalaan ng oras sa kasintahan mo o sa pagkayod para sa katiting na sahod, kailangan mo pang paulit-ulit na ipaglaban kung ano ang kasarian ng dapat mong mahalin, kailangan mo pang dumaan sa hindi makataong proseso para makalaya sa isang pagsasama, at kung sa tingin mo ay hindi na ligtas at praktikal pang magkaroon ng anak sa ganitong lipunan at ekonomiya—ang pag-ibig ay hindi na lamang isang simpleng pribado at personal na bagay.


Higit na ito sa paglabas kasama ang kasintahan para makipag-date o ipagsigawan sa mundo na mahal mo siya. Kundi paglabas sa kalsada kasama ang kapwa Pilipino upang ipagsigawan ang karapatan na dapat nating tinatamasa. 


Lahat ng bagay ay politikal, pati ang pagmamahal. Lalo na ang pagmamahal.


 
 
 

Comments


bottom of page