Hipak ng Pagkilala
Ayon sa sabi-sabi, pinag-uugnay ng sigarilyo ang bawat tao.
Sapat na ang isang stick para umakay ng mga alaalang walang pag-aalalang ibinabahagi sa isa’t isa.
Balanse lamang—malalim na hithit para sa mabigat na bitbit, mababaw kung sabaw.
May pag-iingat dahil takot na masamantala ang pansamantalang pagkilala.
Lumabas ako ng silid upang sumaglit ng sariwang hangin. Hihinga sana matapos malunod sa perpektong mga tao na iisa ang mukha. Mga taong pare-pareho ang nais ipahiwatig ng mga mata. Napasinghap na lamang ako nang isiping muli ang mga ‘to. Iritado man, pero wala akong magawa dahil batid kong sa lugar na puno ng mga taong nakukulong sa iisang hilig, mahirap kung ‘yong sa ‘yo, kakaiba.

Kinuha ko ang lighter at yosi sa bulsa, akmang hihithit nang bumukas ang pinto. Lumabas ‘yong isa sa mga nakatitig kanina. Ramdam ko pa rin ang mga sulyap niya kaya’t inaya ko na lamang ding manigarilyo. Tinanggap naman nito matapos ang ilang segundong pag-aalinlangan. Tumango ito bilang pasalamat.
Hithit No. 1: “May Salot sa smoking area”
Masyado nang makasalanan ang mga tao para magdagdag pa sila ng bago.
May espasyo doon sa palasyo sa itaas, hindi na para silawin ng dungis ang aming mga mata.
Bagaman dama rin namin ang inyong paghihirap upang mapansin.
May awa ang kalangitan sa mga katawang naabuso, may awa ito sa nanghihinang kaisipan.
Tumulad ka sa ’min, huminto at pigilan ang sariling lumabag. Dumaan sa daang matuwid.
Siguradong may planong nakadisenyo para sa ‘yo.
Planong nasa sa ‘yo paano tutuparin.
Hithit No. 6: Ang naturingang Hulwaran
Hindi ako hunghang para baybayin ang karagatan ng mga ‘dapat.’
Hindi ako naliligaw kung pinipili kong daanan ang mga landas na hindi madalas tinatahak.
Hindi ako weirdo kung makita mong iba ang estilo ng pananamit ko sa kung anong tinuturing niyong normal.
Matagal na panahon na noong nagsimula akong libutin ‘tong mundo.
Kinabisado ang pangkalahatang ideya, prinsipyo’t paniniwala, ang naturingang mali o tama.
Natutunan kong gumuhit at aksidenteng lumampas sa linya. Sabi nila pangit? Ba’t mas maganda?
Payak sa yapak, ito ang buhay na naghihintay.
‘Di siguradong panghabambuhay pero siguradong ‘di pansamantala.
Hithit No. 7: Ang dalanging maubos na ang sigarilyo
Hindi patas ang mundo; marami pa ring nakikipagsapalaran araw-araw.
Maraming namomroblema pero hindi nila hinayaang magpakain sa dilim.
At hindi niyo rin naman siguro hahayaang ikalat pa ‘to?
Subukan niyo pa ring ialay sa taas ang buhay—problema, lutas.
Hindi pantay ang pananampalataya at pagkakaroon ng takot sa nasa itaas.
Hithit No. 12: Hanggang sa susunod pang hipak
Kailan kaya nila matutunang hindi ako depektibo?
Na hindi makasalanan ang matutunang makilala ang sarili?
Kung may makinarya nang nakahandang sirain ka kahit hindi ka pa tuluyang ganap.
Hindi kami ang dilim at hindi kayo ang bituin.
Hindi kami ang magiging dahilan ng inyong pagkinang.
“Iba na talaga mga kabataan ngayon,” tinapon nito ang sigarilyo saka umalis.
Hindi sa hindi namin nais ipakilala at itago ang mga sarili. Higit pa kasi ‘to sa konteksto ng pagiging progresibo. Mas malapit sa pagiging tao at pagkakaroon ng respeto.
Buti na lang talaga marami pa ‘kong sigarilyo dito. Gusto niyo?




Comments