top of page

Higit pa sa numero o politika

Marc Nathaniel Servo
May 22
4 min read

Mapait ang daang tinatahak ng mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Maraming pangalan ang ibinabato sa kanila—mga pesteng kailangang paslangin o kaya ay collateral damage—pero madalang mabanggit ang kanilang mga pangalan, na tila ba sa kanilang pagpanaw ay nawala na rin ang kanilang pagkatao.


Sa ilalim ng administrasyong Duterte, hindi mahalaga ang mga pangalan ng mga pinaslang. Bahagi lamang ng datos na binabaluktot ng gobyerno ayon sa kanilang pangangailangan.



Blotter number 1675: Sa kauna-unahang kaso ng drug war, isang lalaking walang pangalan ang natagpuang may kardbord sa ibabaw ng katawan, na may nakasulat na “I am a Chinese drug lord,” sa Tondo, Maynila—ilang kilometro lamang ang layo sa Delpan Sports Complex kung saan ipinagdiwang ni Duterte ang kaniyang pagkapangulo noong Hulyo 1, taong 2016.


Ang paraan ng pagpatay sa biktima ang naging blueprint ng mga extrajudicial killings (EJK) na naganap sa buong bansa sa ilalim ng kamay na bakal ni Duterte. Daan-daan ang napapaslang kada linggo—mga taong may pangalan—pero pilit na ipinapalimot sa mga nakakaalala at dapat makaalala.


Ayon sa Human Rights Watch (HRW), tinatayang 12,000 katao ang napaslang sa ilalim ng anim na taong War on Drugs. Mula rito, 122 ay mga menor de edad, tulad nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at ang pinakabatang biktima ng kampanya—ang tatlong-taong gulang na si Myca Ulpina. 


Sa nobelang “Some People Need Killing,” ni Patricia Evangelista, isang investigative writer, ipinaliwanag kung paanong ang mga numero ay nagiging kasangkapan sa malaking kasinungalingan. 


May apat na milyong adik sa bansa, ani Duterte, kahit na humigit-kumulang isang milyon lang talaga ang nasa datos. Kapag kailangang magpabango ang pulisya, aangkinin nila ang pagkamatay ng libo-libong “adik.” Pero kapag kailangan na nilang managot sa mga pagpatay, idadahilan nilang mas marami ang pinatay ng mga ‘di kilalang assailants, kahit na alam nating lahat na sa madugong kampanyang ito, naging quota ang buhay—mga bilang na dapat maabot.


Taktika ito ng isang berdugo—ang ibaon sa malamig na datos ang pagkakakilanlan ng mga napaslang. Sapagkat walang boses ang numero. Walang pamilya. Walang kwento. At kapag walang kwento, madaling makalimutan, madaling balewalain, madaling manipulahin ayon sa kagustuhan at pangangailangan.


Kaya naman sa daan patungong The Hague, ang laban ng mga naiwan ay hindi lamang upang makamit ang hustisyang mailap, kundi para mabawi rin ang mga pagkakakilanlang kinalimutan at niyurakan. Para mabawi ang mga kwentong ipinagkait at pinasinungalingan—tulad ng kung paanong nagmakaawa ang binatilyong si Kian—paano siya pinaslang sa lagim ng gabi, at paanong naputol ang kanyang mga pangarap sa isang kalabit ng gatilyo. Kung paanong tinawanan lamang ni dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa ang pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na bata dahil “shit happens.”


Ang masaklap sa lahat ng ito ay ngayong unti-unti nang binabawi ang pagkatao ng mga nasawi, saka naman sila kinakasangkapan sa tunggalian ng mga Duterte at Marcos. Hindi na nga sila pinapatahimik ng kawalang-hustisya, ginagamit pa ang kanilang mga kwento bilang makinarya sa politika. 


Sa gitgitan ng dalawang makapangyarihang apelyido, ang usapin ng pananagutan para sa mga biktima ng EJK ay nalilihis mula sa hustisya at napapailalim sa bangayan ng mga paksyon sa kapangyarihan. Dahil dito, bumababaw ang pagtingin ng publiko sa isyu—na para bang isa lamang itong yugto sa hidwaang pampolitika ng dalawang nagkikiskisang bato, at hindi usapin ng karapatang pantao at buhay ng libo-libong Pilipino. Sa ganitong gana, ang diskursong dapat sana ay para sa pagpapalalim at pagpapalawig ng pananagutan para sa mga EJK victims ay nababaluktot at naisasantabi sa ngalan ng politika.


Una sa lahat, tunay na mga tao ang mga naging biktima ng ‘War on Drugs’. Hindi lamang sila mga datos na pwedeng gamiting propaganda sa laban ng kung sino-sino. Ang hustisyang ipinaglalaban nila ay hindi nakasandig sa kahit anong pamilyang politikal, bagkus ay sa kolektibong pagkilos ng mga mamamayan upang mapanagot si Duterte at ang lahat ng may pananagutan sa harap ng batas. 


Mali at delikado ang pagbaluktot ng diskurso patungo sa politika kaysa hustisya. Kapag nababaliktad ang diskurso patungo sa lente ng hidwaan ng Uniteam, bumababaw ang pagtingin ng mga tao sa isyu, at napapahina nito ang ipinaglalaban ng mga biktima: Ito ang dahilan kaya nagiging mas madali sa iba na pilit na tanggihan ang katotohanan at yakapin  ang kasinungalingang ipinapakalat ng pamilya Duterte. 


Pagdating kasi sa pagbilog at paglalaro ng impormasyon, malulupit ang mga Duterte, gaya ng mga Marcos. Matagal nang bahagi at numero uno sa kanilang playbook ang pagmukhaing biktima ng political persecution ang kanilang pamilya  sa tuwing pinapanagot sila sa kanilang mga sala.


Mula sa pagkakadakip kay Rodrigo Duterte, hanggang sa impeachment ni Vice President Sara Duterte at tangkang paghuli sa drug war architect na si Senador Bato, lagi nilang pinagmumukhang simpleng politikal na pag-uusig lamang ng kanilang mga kalaban ang lahat ng ito laban sa kanilang pamilya.


Dati na nilang ipinagkait  sa mga biktima ang due process at pagkakakilanlan. Ngayon, hahayaan pa ba nating ipagkait nila sa mga lumalabang pamilya ang pagkakataong mapakinggan ang kanilang kwento higit sa hidwaan ng mga Marcos-Duterte? 


Mahalagang mapaigting natin ang kampanya laban sa mga Duterte bilang isang akto ng social justice—hindi simpleng makinaryang pampolitika. Sapagkat mabigat ang mga paratang sa kanila, hindi ito dapat tingnan bilang mga putik lang na ibinabato sa kanila. 


Dahil sa normal na araw, marahil ay sapat na ang katotohanan: may mga buhay na nawala at may mga dapat managot. Pero sa harap ng mga makapangyarihang apelyido tulad ng mga Duterte, ang diskurso ay madaling natatangay ng naratibo, disimpormasyon, at hidwaang pampolitika na siyang humuhubog sa pag-unawa ng publiko sa usapin ng hustisya.


Ang laban ay nagiging mainit, mapangkutya, at masakit—at bilang Pilipino, ang ating trabaho ay ang magpatuloy sa pagpapaigting ng ating naratibo, nang sa gayon ay hindi mabilog ng mga disinformation networks ang kwento—at maisandig natin ang hustisya sa matibay na pundasyon ng katotohanan.

Comments


bottom of page