'Disente,' Para Kanino?
Kailan pa naging sukatan ng pagiging “mabuting tao” ang haba ng buhok at dami ng tinta sa balat?

Ito ang tanong na laging iniiwasan dahil pinalaki tayo sa isang mahigpit na disiplina mula pagkabata. Tinuruan tayo sa bahay kung ano ang pamantayan ng magandang gupit, malinis, at wastong pananamit—dahil isa raw itong paraan ng pagpapakita ng magandang asal, “propesyonalismo”, at pagiging disenteng nilalang. Kaya naman, sa oras na ang isang tao ay kumawala sa ganitong pamantayan ng lipunan—may tattoo, piercing, o estilong taliwas sa nakagawian—agad na itong binabansagan ng lipunan bilang “marumi” o walang disiplina.
Kung oobserbahang mabuti, hindi neutral na disiplina ng kabutihan na lumitaw lang mula sa kawalan ang pagtawag natin sa isang taong “disente” o “malinis”. Bagkus, isa itong patakaran at social construct na sinadyang itayo ng mga taong nasa kapangyarihan para kontrolin at pasunurin ang lipunan. Sa madaling salita, ang "disente" ay hindi sukatan ng kabutihan—ito ay kasangkapan ng dominasyon.
Ang Makinarya ng Sistema sa Pagbubuo ng “Disente”
Hindi likas sa lipunan ang pangangahulugan ng salitang “malinis.” Isipin mo na lang ang buhay sa mga paaralan. Sa mga elementarya at sekondaryang paaralan pa lang sa Pilipinas, nililok na tayo sa mga patakaran tulad ng "no long hair" at "no ear piercing" para sa mga lalaki; sa mga babae naman ay ipinagbabawal ang mga kolorete, taas-tuhod na palda, higit sa dalawang piercing. Sa parehong kasarian, mahigpit na ipinagbabawal ang kulay ng buhok at paglalagay ng anumang palamuti sa katawan. Ang palaging dahilan ng mga awtoridad: para sa ikabubuti ng mga mag-aaral at para magmukhang propesyonal.
Kaya para kanino ba talaga ang disiplinang sinusunod ng lipunan, at sino ang tunay na nakikinabang kapag naging uniporme ang hitsura ng mamamayan?
Dito natin makikita na hindi lang nagiging lugar ng pagkatuto ang mga paaralan—nagiging lugar din ito ng unang pagsasanay sa pagsunod sa mga patakaran ng lipunan. Sa paraang pagpilit sa atin na maging iisa ang hitsura, dahan-dahang nailalayo tayo sa ideya na ang pagkakaiba ng bawat isa ay isang bagay na dapat yakapin, hindi talikuran.
Sinasanay tayo ng mga institusyong ito na ipaubaya ang kontrol ng katawan—at ang gawi na ito ay dinadala natin hanggang sa mundo ng trabaho. Sa huli, ginagamit ng ganitong pamantayan ang ating nakasanayang pagsunod upang ihanda tayo sa susunod na yugto: maging isang manggagawang sunud-sunuran sa utos ng malalaking kumpanya na walang halong pagkuwestiyon.
Sa Pilipinas, litaw na litaw ang ganitong disiplina sa corporate world. Maging ang mga trabahong hindi obligadong humarap sa mga kliyente, marami pa ring kumpanya ang nagbabawal sa mga kakaibang kulay ng buhok, nakikitang tattoo, o estilong punk. Para sa mga korporasyon, banta ang mga manggagawang sumusuway sa kanilang “grooming standards” dahil “pagrerebelde” ito para sa kanila kahit na ito ay simpleng pagpapahayag ng sarili at kalayaan sa sariling katawan.
Paghahati sa lipunan
Para sa mga nasa kapangyarihan, itinuturing na banta ang anumang paglihis sa nakagawian. Ginagamit nilang sandata ang paghahati sa "disente" at "marumi" upang mapanatiling magkakahiwalay at magkakalaban ang mga tao.
Ayon sa Capital Theory ni Pierre Bourdieu, ang pamantayan ng 'panlasa' ay hindi naman likas na katangian ng pagiging mabuting tao. Nilikha lamang ito ng mga elitista upang magsilbing bakod. Isang sukatan kung sino ang 'karapat-dapat' tanggapin sa lipunan at kung sino ang dapat itakwil. Sa madaling salita, ang pagiging disente ay palatandaan lamang ng pagiging sunud-sunuran sa kultura ng mga may kapangyarihan.
Hindi rin ito bagong taktika. Ginagamit na ang ganitong pamumulis sa “maruming” hitsura bilang sandata mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Bago dumating ang mga mananakop, itinuturing na sagradong simbolo ng katapangan, katayuan sa lipunan, at pagkakakilanlan ang sining ng pagbabatok o pagpapatik ng ating mga ninuno katulad ng mga Pintados sa Visayas. Subalit binaluktot ng mga mananakop ang tradisyon ng tattoo ng ating mga ninuno.
Ang dating panghahamak sa mga katutubo ay naging diskriminasyon batay sa uri: kapag mahirap ang may tattoo at magulong buhok, mababa at kriminal ang tingin; subalit kapag mayaman, tinatawag na 'astig' at 'maka-sining.'"
Sa pagbansag sa kultura bilang "marumi" o "hindi disente," mas lalo pang nagbibigay-katwiran ang mga nasa kapangyarihan na itakwil ang mga taong ito at dahan-dahang nagtatanim ng maling kaisipan sa lipunan na ang panlasa ng mayayaman at makapangyarihan ang sukatan ng pagiging marangal ng isang tao.
Ang mga ganitong gawi ay patuloy na nagbabaon sa mga nasa laylayan ng lipunan. Dahil sa mga gawa-gawang pamantayan, ang mga maralita ay napipilitang ubusin ang kanilang limitadong pinagkukunang-yaman at baguhin ang kanilang pagkakakilanlan para lamang tanggapin sa mga paaralan at makahanap ng trabaho.
Sining sa pagbali sa “disente” bilang porma ng pakikibaka
Kaya naman, ang pagpili ng sariling hitsura at pagmamarka ng katawan ay isang porma ng pag-aaklas laban sa “disenteng pamantayan” na nagpipiit sa ating lahat sa iisang hitsura, at laban din sa sistemang nagtatayo ng ganitong mga hangganan.
Hindi ito malayo sa ginagawa ng mga kilusan sa iba't ibang panig ng mundo. Mula sa kilusang Black Panther sa Estados Unidos noong dekada sisenta, ginamit nila ang kanilang likas na buhok bilang simbolo ng Black Pride upang dambungin ang pamantayan ng white supremacists na nagbansag sa likas nilang buhok bilang 'marumi' at 'unprofessional' para pilitin silang sumunod sa kultura ng nasa kapangyarihan. Ganito rin ang makikita sa mga katutubo sa buong Asya na muling niyayakap ang tradisyonal na tattoo bilang pagbawi ng ninakaw sa kanilang kultura. Sa huli, ang katawan ay laging nagiging lugar ng pagbabalikwas sa sistema.
Mas lalo pang nalalantad ang kasinungalingan ng 'disente' kapag patuloy na niyayakap ng masa ang mga subkultura at estilong binabansagan ng mga nasa kapangyarihan bilang “pangit' o “hindi nakagawian”. Sa bawat tattoo, sa bawat kulay ng buhok, sa bawat estilong taliwas sa nakagawian, inilalantad ng masang inaapi ang katotohanan: ang pamantayan ng "disente" at "kaayusan" ay hindi para sa lahat kundi para lamang sa mga nasa itaas, at ginagamit para supilin ang pagkakakilanlan ng lahat ng iba.
Ang pagbawi ng kontrol sa ating sariling katawan ay pagtanggi sa pagturing sa isang tao bilang kalakal. Ngunit higit pa rito, ito ay isang pagpapahayag na buhay pa ang sariling pag-iisip—na hindi pa natin ganap na ibinigay sa iba ang karapatang magpasya kung sino tayo at kung paano natin ipapakita iyon sa mundo. Hindi kailanman maibebenta ng mismong sistemang naghahangad na samantalahin ang ating buhay at pagkakakilanlan ang ganitong pagkilos. At habang may isang katawan na tumatanggi sa pagkakahon, patuloy na mapuputol ang mga tanikala ng tinatawag nilang "disente”.
Ang pagbabago ay hindi palaging nagmumula sa mga batas na inaprubahan sa Kongreso o sa mga patakaran na binago ng mga opisyal. Minsan, nagsisimula ito sa isang maliit na desisyon na ginawa mo para sa iyong sarili. Magsuot ng gusto mo. Magpagupit ng gusto mo. Pintahan ang katawan mo. Hindi ito kapalaluan kundi simpleng paggigiit na ang katawan mo ay sa ‘yo, at walang institusyon ang may karapatang angkinin iyon.
At sa bawat taong gumagawa ng ganitong pagpili, lalo na itong nagiging malinaw: ang "disente" ay hindi sukatan ng iyong pagkatao. Ito ay sukatan ng iyong pagsunod. At ang araw na tumanggi kang sumunod—iyon na ang simula.




Comments