top of page

Diagnosis: Alt

Tracy Althea Ramos
Jun 11
4 min read

Sintomas na mayroon kang problema sa pag-iisip: maraming piercing o tattoo, makapal ang eyeliner, buwan-buwang nag-iiba ang kulay at estilo ng buhok, nakikinig ng mga musikang ikaw at ang hindi tataas sa isang libong monthly listeners sa Spotify lang ang nakakaalam, at laging nakasuot ng itim.


Ang sandigan ng diagnosis? Mata-mata lang at deka-dekadang paniniwalang nagpasalin-salin—na tila mas tama pa sa maaaring pag-aralan ng isang psychiatrist sa halos labindalawang taon ng pinagsama-samang bachelor’s degree, pag-aaral sa medical school, at ilang taong residency.


O baka naman sadyang alt ka lang—nagpapahayag ng sarili sa paraang lumilihis sa kung ano ang pamilyar, kumbensyonal, at tanggap ng nakararami.



Patolohiya ng pagiging iba


Sa maraming kontekstong Pilipino, malabo—kung hindi pa man tuluyang nabubura—ang hangganan sa pagitan ng pagiging “alt” at pagkakaroon ng karamdaman sa pag-iisip o mental health problem.


Kapag nakaitim, agad nang iniuugnay sa lungkot at pagluluksa. Kapag emo, depressed. Kapag punk, pasaway at suwail. Kapag goth, may dinadalang mabigat na problema. Kapag puno ng tattoo at piercing, naghahanap ng atensyon. Kapag gumagawa o nahihilig sa mga sining na may madidilim na kulay at tema, inaakalang may pinagdaraanan at paraan ito ng paghingi ng saklolo.


Bakit ganito? Bakit sa tuwing may taong lumilihis sa kung ano ang nakasanayan, tila nagiging medical mystery siya ng buong barangay? Paano naging sintomas ang pagkakaroon ng maraming piercing sa mukha at katawan? Kailan pa naging diagnostic tool ang palaging pagsusuot ng itim?


Sa ganitong pananaw, parang nagiging “visual checklist” ang mental health—parang kapag namarkahan mo ang ilang item sa listahan, awtomatiko ka nang may diagnosis. Ngunit ang problema, ang mga “sintomas” na ito ay hindi naman klinikal na batayan. Ang nagiging basehan lamang ay itsura, paraan ng pananamit o pagpapahayag ng sarili, at maging panlasa sa musika—mga bagay na hindi naman matatagpuan sa larangan ng psychiatry, kundi sa usapin ng kultura at identidad.


Dahil sa mga ganitong pagkakataon, nabubura ang napakahalagang distinksiyon sa pagitan ng expression at symptom. Bagamat malinaw sa aktwal na mental health practice na hindi kailanman maaaring ibatay sa itsura o mga hilig, tulad ng musika at iba pang sining, ang diagnosis ng isang tao. Bagkus, nakukuha ito mula sa paraan ng kaniyang pag-iisip, emosyon, ugali, at pati na sa kaniyang mga karanasan sa nakaraan na maaaring nakaaapekto sa kaniyang pag-iral nang maayos sa araw-araw.


Diagnosis by observation


Sa labas ng klinikal na espasyo, lalong-lalo na sa social media at sa mga espasyong karaniwang ginagamit ng masa, mas madaling gamitin ang stereotypes kaysa lohika. Mas madaling sabihin na, “nagrerebelde siguro kaya napakaraming tattoo,” “depressed kasi kaya laging nakaitim,” o, para sa mga alt na matindi kung magpahayag ng sarili: “napabayaan kaya nagmukhang kampon ni Satanas,” kaysa subukang intindihin kung bakit nga ba may umiiral na ganitong “aesthetic.”


Sa dami ba naman ng uri ng alt culture, mas madali nga naman siguro ang simpleng pag-label kaysa pag-unawa. Sa pagiging madali nito, nagiging popular din ang ganitong gawi kahit na mali.


Dito na pumapasok ang isang panibagong isyu: ang komodipikasyon ng mga terminong may kinalaman sa kalusugan, partikular na sa pag-iisip. Nangyayari ito kapag nagiging pang-araw-araw na gamit sa mga biruan, opinyon, at haka-haka ang mga terminong klinikal at dapat ituring na sensitibo. Sa ganitong konteksto, nababawasan ang bigat ng usapin ng mental health at itinuturing itong simpleng trend o anumang kababawang lalong nagpapatindi sa stereotype at maling pag-unawa rito.


Sa kontekto ng alt laban sa mapanghusgang lipunan, nagkakaroon ng “diagnosis by observation.” Sa ganitong pamamaraan, hindi tinatanggap ang pagkakaiba bilang normal na parte ng dibersidad at sa halip ay tinitingnan bilang isang problemang dapat pag-aralan at gamutin.


Ang pagiging alt ay protesta


Bukod sa maling pag-diagnose at maling paggamit sa lengguwaheng medikal, ang paglalapat ng stereotype ng may “mental health problem” sa mga alt ay isang paraan din ng pagbabaon sa kasaysayan ng kultura ng alt: ang pagbalikwas sa lipunang nagkakahon sa tao sa iisang pamantayan ng anyo at pag-uugali upang mapanatili ang pagiging sunud-sunuran.


Ang pagiging alt ay hindi simpleng aesthetic lang. Sa mahabang panahon, napatunayan nitong isa itong espasyo ng paglikha. Ito ang isa sa matagal nang nagiging entablado ng kalayaang makapag-eksperimento sa identidad—sa itsura, sa pananamit, sa panlasa sa musika, sa tinatanging sining, at sa iba pang maaaring magbigay-depinisyon sa tunay na “ako,” “ikaw,” o “sila.”


Sa halip na kilalanin ito bilang lehitimong anyo o paraan ng pagpapahayag ng sarili, mas madalas itong pilit na ipinapasok sa mga simplistikong ideya tulad ng pagiging “trend lang” o pagkakaroon ng mental health problem. Kapag paulit-ulit na iniuugnay ang pagiging alt dito at maging sa pagrerebelde, pagkaligaw, at maging sa pagiging problema umano ng lipunan, natatabunan ang tunay na kahulugan ng alt. Hindi na ito nakikita bilang isang kultura o kaya’y malayang komunidad kundi sintomas. Hindi na ekspresyon ng sarili kundi diperensya. Hindi na identidad kundi isang sakit na dapat gamutin.


Marahil ang tunay na senyales ng karamdaman ay hindi nakikita sa pananamit, sa anumang porma ng pagdadala ng sarili, at maging sa mga pinipiling ikonsumo sa araw-araw. Marahil ito ay nasa kawalan ng kakayahang tanggapin na ang bawat isa ay may sari-sariling paraan ng pag-iral.


Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit may alt at bakit kailangan ng alt—hindi lang bilang pagbalikwas sa kumbensyonal at nakasanayan, kundi bilang paalala na ang “normal” ay may iba’t ibang mukha.


Isa itong paalala na ang mga anyo ng pagpapahayag ng sarili ay hindi kailangang sukatin sa iisang pamantayan ng katanggap-tanggap, at ang pagiging iba ay hindi awtomatikong katumbas ng pagkakaroon ng problema. Sa huli, ang pagiging alt ay hindi paglayo sa katotohanan ng sarili, kundi pag-angkin nito sa paraang hindi kailangang ipaliwanag o ipagtanggol sa bawat pagkakataon.

 
 
 

Comments


bottom of page