top of page

Truth Commission, tanglaw sa dilim ng mga drug war victims

Marc Nathaniel Servo
Jun 9
5 min read

Updated: Jun 9

Manlaban para sa katotohanan.


Ito ang manipestasyon ng bagong-tatag na Philippine Truth and Reconciliation Commission, o Truth Commission, nang una itong ipakilala sa publiko sa Archbishop’s Palace nitong Mayo 27, sa pangunguna ng mga sibilyang grupo na naglalayong ilaban ang katotohanang ikinubli sa ilalim ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Grig Montegrande/Inquirer
Grig Montegrande/Inquirer


Sa pamumuno ni dating International Criminal Court (ICC) judge Atty. Raul Pangalangan at patnubay ni Caloocan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, ang komisyon ay naglalayong idokumento ang kwento ng mga biktima at bumuo ng konkretong naratibo ng katotohanan na hindi maikakaila ninuman.


Binubuo ang nasabing lupon nina Adamson University President Fr. Daniel Franklin Pilario, Forensic Pathologist Dr. Raquel Fortun, peryodista at dating mananaliksik sa Human Rights Watch Carlos Conde, at Trauma Expert Dr. Al Fuentes.


“The truth must be protected not only as a matter of record, but as a matter of dignity for the families who have carried these stories for years,” saad ni Cardinal David. “The EJK Truth Commission exists so these stories can be heard, verified, preserved, and acted upon.”


Inaasahang mailantad nito bilang malayang komisyon ang katotohanan sa likod ng libo-libong pagpatay sa kampanya kontra droga na pinalabo ng magulong datos, magkakasalungat na opinyon, at pamumulitika sa isyu.


Kasabay ng anunsyo ay ang pag-agos ng suporta para sa inisyatibo, kung saan nagbahagi ang Amnesty International Philippines ng pahayag ukol sa responsibilidad nito, “truth-seeking processes cannot end with documentation alone. Truth must lead to accountability. Accountability must lead to justice… and justice must contribute to healing and guarantees of non-recurrence.”


Konkreto at Totoo



Nananatiling bulag ang karamihan sa katotohanang nakatago sa likod ng kampanya kontra-droga sa kabila ng pagkakakulong ni Duterte. Kaya naman mabigat ang gampanin ng Truth Commission sa paglansag ng mga maling naratibo tungkol rito.


Tulad na lamang ng pahayag ni dating Senate President Alan Peter Cayetano bilang depensa kay Duterte, “so, the campaign against drugs is a human rights campaign. It’s a pro-life campaign, because drugs kill.”


Bilang ikatlong pinakamataas na opisyal ng bansa, nagpapatibay lamang ang kaniyang balikong testimonya sa maling paniniwala ng mga taga-suporta ni Duterte na makatarungan ang mga naging pagpatay sa kampanya kontra-droga


Kaya naman naniniwala si Cardinal David na matagal ng kinakailangan ang komisyon, “this is an opportunity for catharsis… so we can recover our dignity as a country. Ultimately, what we aspire for is healing not only for the victims but also for our institutions.” 


Jire Carreon/Rappler
Jire Carreon/Rappler

Para naman kay Conde, na dating nanilbihang mananaliksik sa Human Rights Watch dito sa Pilipinas, isang malaking hamon ang pagsasaayos ng magulong datos sa drug war. Iginiit niya na mahalagang maitama ang mga tala dahil ang bawat isang numero rito ay isang biktima na nangangailangan ng hustisya. 


“One of the challenges that we’re facing here is that nobody really knows exactly how many have died. We have different figures. They [human rights watchdogs] say 30,000, the UN says 18,000, and the government says 6,000 - 7,000.” 


Idinagdag rin ni Pangalangan kung paanong magpahanggang ngayon ay wala pa ring maaasahang pagtatala ang bansa sa kung gaano karaming kaso ng pagpatay ang maaaring maimbestigahan at magamit sa korte, dahil hindi umano nakakatugon nang maayos ang sistemang inaasahan dito. 


Kaya naman mahalaga ang espasyong pupunan ng Truth Commission. Ani David, “this is not a replacement to the ICC or our judicial systems. The court looks for criminal liability, but the Truth Commission seeks deeper truth and the voices of the victims, survivors, and families. Many of them are still looking for answers, recognition, and healing.”


Tangan ang suporta mula sa lupon ng mga non-government organizations, human rights groups, at kapulisan, dinadala ng komisyon ang pag-asang mailatag ang buo at beripikadong katotohanan sa ICC. 


Ngunit higit pa sa datos, trabaho rin ng komisyon ang pagsasagawa ng mga “public truth hearings” kung saan binibigyan ng plataporma ang mga biktima at naiwang pamilya upang ilabas ang kanilang mga karanasan at makapagdayalogo ang midya, mga dalubhasa, at mga akademiko ukol sa pagwawasto ng mga pagkakamali sa drug war. 


Tiwala at pagaalinlangan


Mabigat ang dinadalang responsibilidad ng nasabing komisyon, kaya naman maraming naging tanong ukol sa kalayaan at kapangyarihan nito upang tunay na maisiwalat ang katotohanan.


Naniniwala ang mga humanitarian groups na Rise Up for Life and Rights at Hustisya na higit pa sa drug war, dapat ding isama ng komisyon ang mga naging pulitikal na pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte at Marcos. 


Inilatag nila na may higit sa 400 aktibista ang napaslang, habang 21 naman ang kaso ng enforced disappearance sa ilalim ni Duterte, habang sa panahon ni Marcos ay lalagpas na sa 135 aktibista at sibilyan ang napaslang, habang 20 ang nawala. 


Giit ng Hustisya, walang dapat makatakas sa imbestigasyon, kahit ang administrasyong Marcos at mga alagad nito, lalo pa at naging bahagi ang karamihan sa kanila ng mga paglabag sa batas noong kampanya kontra-droga.


“It is important that these efforts open the floodgates for all information and details into the operations of the Philippine National Police and Armed Forces of the Philippines, who were behind these killings and have been operating systematically upon orders of the Malacañang,” sabi ng isang sipi mula sa nasabing pahayag. 


Samantala, kinuwestiyon naman ng mga naiwang pamilya ng biktima ang magiging direksyon ng Truth Commission, at sinabing makikipagdayalogo sila sa mga bumubuo nito upang maintindihan ang mga plano at direktiba nito.


“What is their framework of ‘reconciliation’? There is plenty that we still need to know, but will they be able to unmask it?” sabi ni Llore Pasco, ang ina ng mga napaslang na sina Crisanto at Juan Carlos Lozano.


Binanggit niya na iginiit ng kanilang grupo ang representasyon sa nasabing komisyon at ang pagbuo ng kababaihan sa 50% ng lupon. Subalit, tanging si Fortun lamang ang natatanging babae sa grupo habang wala namang representasyon ang mga biktima dito. 


“We have high regard for some of the civil society leaders named for the panel. We appreciate that they want to help. We all want the truth to come out. Most of the truth that we need is with the police and other witnesses. Will this body be able to surface such truth?” dagdag pa niya.


Gayunpaman, isang malaking hakbang ang pagkakatatag ng komisyon sa pagdokumento ng mga naratibo, pagpreserba ng ebidensiya, at pagbuo ng mapagkakatiwalaang datos, sa panahong malaya pa rin ang karamihan sa mga naging bahagi ng madugong kampanya. 


“The Truth Commission was created to ensure that stories of victims, survivors, and families are heard, verified, and preserved. This is not about replacing the courts or assigning guilt. It is about building a credible truth record that can guide accountability, healing, reform, and the prevention of future violence,” pagdiin ni Pangalangan.


Mula rito, dinugtong din ni Cardinal David na sa suporta ng mga paaralan, grupong sibil, at ng mga relihiyosong grupo ay magagampanan ng komisyon ang kanilang responsibilidad para sa bansa. 


Hahatulan na ng ICC si Duterte sa Nobyembre, at habang nananatiling matinik ang laban para sa hustisya, nagawa pang ianunsyo ng kanyang anak na si Sara ang pagtakbo sa pagkapangulo kahit na may nakaambang impeachment case sa kanya. 


Balot man ng pag-aalala, kinakailangan ang komisyon upang mapaglinaw ang katotohanan at tuluyang makamit ang hustisya at pagbabago matapos ang ilang taong impunidad sa bansa.


Comments


bottom of page