kalansing ng nagmamalabis
Updated: Aug 16

simula no’ng bata ako, tinatawag na ng mga mata ko ang palamuti sa simbahan
may imahe ng rebulto, salitang hindi ko pa lubos maintindihan, ngunit alam kong binabanggit ito nang nakapikit
minsan nang nawala sa gitna ng naglalakihang pader at mga nagmamadaling makaabot sa misa
dinala ako ng kamay sa lugar ng maingay ngunit tahimik. maingay ang mga plastik, pinatatahimik ang patabig-tabig na nakasabit, pero sa mga mata ko, tila nabibingi
kinuha ko ang itim na kwintas, may imahe itong koronang tusok
kumuha ako ng pinagsama-samang bilog na nasaksihan kong dinasalan nang paulit-ulit
kinukuha ko naman ang isa, ‘di ko alam kung bakit pero nakadikit ang salitang abril
ako naman ang kinuha
ng aking lumuluhang ina
“ma, ‘usto ko”
‘di mapagalitan, masigawan, tiningnan lang ang kamay
“isa lang”
“bakit po”
“di kasya, eh”
‘di naintindihan na ang tatlo ay naging isa
abril ang nauwi pati mga tanong at pagtataka
itinabi ko ang abril sa kaila-ilaliman ng damitan, siniksik sa pajama
hindi dahil nagsawa na, kundi masasayang
masasayang kasi isa lang
‘di na nadagdagan pa kasi hindi naman nakikita at umuwi dahil kailangan pang magpabuhay sa mga susunod na araw
pero gusto ko, hinahangad kong madagdagan, hinahangad ko ang nararapat
kamalay-malay na ang pagkamulat, hindi sasapat ang isa lang, lalo ang hindi kasya talaga
testigo ako ng kalahating araw ‘di mahagilap ang ama kakatrabaho at inang tinitimbang ang kita sa uulamin bukas ng umaga, kung itlog na lang ba o de latang san marino
mali ba ako kung ham at bacon ang nais kainin?
mali ba ako kung hindi ako hihinto sa mumunting singsing?
mali ba ako kung gahaman akong humiling?
naghangad ako nang labis, lumihis sa mga daang itinayong alam kong hindi na para sa ‘kin
ang abril na dating siniksik ay siya nang ilalabas
ang kinang nitong hindi kailanman nahihiya
kahiya-hiya bang nabuhay sa salat at ‘di kasya?
dapat bang wala nang sumunod, magtiis na lang, at huminto sa isa?
ang nag-iisang abril ngayon ay marami na
iba-ibang disenyo, laki, at pagkakakilanlan pero karamihan, makikita na sa kalsada’t pumuporma ng sariling espasyo
lumalalim, kumakapal, bumibigat pa ang kamalayan
hanggang sa matibag ang dominanteng anino ng koro
tikom ang mga plastik, umaalingawngaw ang nakasabit, at sa mga mata ko, unti-unting nakaririnig
hindi na ito usapin ng alahas
kundi ng radikal at deliberatong kalansing ng nagmamalabis




Comments