Hindi ito Peklat
May mga pagkakataong nahuhuli kong sinusundan ng mga mata ko ang mga marka sa balat ko.
Dahan-dahan, parang binabasa ko ang isang lumang liham na ako rin mismo ang sumulat.
Bawat guhit ay may kuwento, bawat linya ay may alaala.
At habang sinusundan ko ang mga marka, bumabalik sa akin ang mga kuwentong matagal nang humubog sa pagkatao at nag-uugnay sa pinagmulan ko.
Sa aking balat, nakaukit ang mga yakap na hindi ko na mahawakan, mga bersyon sa sarili na ayokong kalimutan, at ang mga pangarap na patuloy kong piniling buhayin.
Kada sulok ay nagiging bakas na gumagabay sa akin araw-araw.
Ngunit hindi ganoon ang paraan ng pagbasa ng iba. Palagi nila akong tinitingnan nang matalim bago nila ako kilalanin. Mata muna sa braso, sa leeg, at sa mga bahaging unang hinahanap ng kanilang panghuhusga. Pagkatapos, saka lang sa maamo kong mga mata.
Minsa’y napapaisip ako kung ano ang nakikita nila. Mga sugat na hindi gumaling? Mga pagkakamaling hindi na mababawi, o mga bahaging hindi dapat makita?
Ngunit bago pa man naging dahilan ng pag-aalinlangan ang tinta sa balat, matagal na itong nagsilbing tanda ng pagkilala sa katapangan, pagdaan sa mahahalagang yugto ng buhay, at pagiging kabilang sa isang komunidad.
At sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbago ang paraan ng pagtingin dito. Madalas isipin ng marami na anumang nakaukit sa balat ay bunga ng sakit, na bawat marka ay may pinanggalingang sugat, na bawat bakas ay salamin ng isang bagay na nasira.
Kaya marahil para sa kanila, ang bawat tinta sa balat ko ay isang babala, isang pagkakamali, isang bagay na dapat pagsisihan.
Pero hindi ito peklat.
Ang peklat ay alaalang iniwan ng sugat. Ito ang pinili ko. Bawat guhit, bawat karayom, hindi ito isang pagkakamali. Hindi ito dala ng rebelyon, hindi ito paghahanap ng gulo, ito ang paraan ko ng pag-alala at pagkilala.
Bawat guhit, bawat pangalan. Mga taong dumaan sa buhay ko na hindi ko kayang dalhin habambuhay sa mga kamay ko. Kaya inilagay ko sila sa ilalim ng balat ko kung saan hindi sila mabubura ng panahon.
Bawat guhit, bawat simbolo. Mga laban ko na hindi nakuhanan ng litrato, mga tagumpay na hindi nabigyan ng medalya. Kaya gumawa ako ng sarili kong monumento. Hindi sa papel. Lalong hindi sa bato.
Kundi sa akin mismo.
Bawat guhit, bawat kuwento. Subalit sa likod nito, ang nakikita ko ay mga gabing hindi ako sumuko, ang mga taong minahal ko, ang komunidad na kinabibilangan ko. At higit sa lahat, ang mga paniniwalang tumangging mamatay kahit ilang beses silang sinubukang patahimikin.
Nabubuhay silang lahat dito, sa ilalim ng balat ko.
Dahil ito ang mga linyang kailanman ay hindi ko ipapabura.
Dahil may mga markang hindi iniwan ng sakit, kundi inukit upang alalahanin ang mga taong minahal at hindi nais malimutan. Dala ko ang mga karanasang humubog sa akin. Ipinapahayag nito ang identidad na matagal kong ipinaglaban na kilalanin, at ang kalayaang angkinin at hubugin ang sarili kong katawan ayon sa sarili kong pagpapakahulugan.
At kung bibigyan mo ng panahon na basahin nang mabuti ang bawat guhit, kulay, hugis at disenyo sa balat ko, maiintindihan mo rin na hindi lahat ng nakaukit sa katawan ay tanda ng pagkasira.
Minsan, tanda ito ng kung paano natin piniling buuin, tanggapin at kilalanin ang ating sarili.
Hindi isang babala.
Hindi bahid ng dungis.
Hindi ito peklat.
Isa itong wika.
At ang katawan ko ang natutong magsalita.




Comments