top of page

Alamat ng Adik

Dulce Amor Rodriguez
May 16
2 min read

Updated: Aug 16

Noong unang panahon, sa mundo ng mga perpekto, pinanganak ang natatanging sanggol na maraming kapintasan. Pinangalanan nila siyang Adie.


Paglalarawan ni Shijiro Prado (@sheej_710)
Paglalarawan ni Shijiro Prado (@sheej_710)

Pinilit ng mga mamamayan ng mundong ito na itago o baguhin ang mga depekto sa kanya. Tinanggal nila ang dila niyang masyadong matalim para sa dasal. Kinutkot nila ang kuko niya hanggang sa hindi na niya ito makagat. Pinutol nila ang mga daliri niyang gustong magsulat ng ibang wika sa bibliya ng kabutihan. Dinukot nila ang mga mata niyang nakakakita ng mali. Ginupit nila ang buhok niya para magmukha siyang katanggap-tanggap. 


Kaya naman lumaki si Adie na walang laman ang ulo at katawan. Sinusunod naman niya ang patakaran ng mga perpektong tao ngunit pakiramdam niya, nililibing siyang buhay at may nabubulok sa ilalim ng balat niya.


Ngunit isang gabi, habang naglalakad siya sa lansangan, may narinig siyang kaluskos mula sa estero sa likod ng simbahan. Doon niya nakita ang tambakan ng mga bagay na itinapon ng mga perpektong tao. 


Mga ngiping binunot para gumanda ang ngiti. 

Mga buhok na ginupit para maging disente. 

Mga damit na sinunog dahil masyadong kakaiba. 


At sa ilalim ng bundok ng patapon, nakita niya ang parte ng katawan niyang hinubad sa kaniya.


Sa unang pagkakataon, hindi siya natakot maging kakaiba.


Isa-isa niya itong pinulot at tinahi pabalik sa katawan niya. 

Karayom sa laman. 

Sinulid sa balat. 


Pakiramdam niya muli siyang nabigyan ng bagong pagkakataon upang mabuhay. 


Hindi na siya natutong manalangin pagkatapos noon. Sa halip, binalot niya ng tinta ang kaniyang porselanang mga braso. Kinulayan niya ng matingkad ang buhok niya. Nagsaksak siya ng bakal sa kaniyang balat para sa bawat patakaran na dinikta sa kaniya. 


Sila ang unang nagturo sa kaniya kung paano magtanggal ng laman. Ang kaibahan lang, nang siya na ang humawak ng karayom, hindi niya ito ginamit upang bawasan ang sarili niya. Ginamit niya ito upang buuin muli ang pagkatao niyang paulit-ulit nilang sinubukang wasakin.


Dahil doon, nakatatanggap siya ng magkahalong mapanghusga at namamanghang tingin sa tuwing lumalabas siya. 


Sinuman ang naisin na maging kakaiba ay tatawaging Adie. 


Iba ang kulay ng buhok? Adie ka.


Iba ang estilo ng pananamit? Adie ka.


Iba ang paraan ng pamumuhay? Adie ka. 


Kalaunan ang katagang "Adie ka" ay umikli at naging "adik."


At tatawaging adik ang sinumang hindi kayang kontrolin.

 
 
 

Comments


bottom of page